Bakas ng Nakalipas
Siksikan sa loob ng dyip, may nakasabit na tatlo o
apat na pasahero, may nakaupo sa backseat na pilit pinagkakasya ang tatlong
katao. Huwag nang itanong ang higit sa sampung pasahero na nakaupo sa bubungan
na hindi nakadarama ng anumang takot o pagkalula. Sa halip, patuloy na
ninanamnam ang hanging tila humahaplos sa kanilang mga pisngi at hindi alintana ang papalamig na pakiramdam habang papalapit sa bayang sinilangan.
Bagay na bagay ang awiting pumapailanlang sa loob
ng sasakyan...Pampatulog pa nga dahil sa lambing ng boses ng isang sikat na
mang-aawit na si Ariel Rivera. Para kang idinuduyan ng bawat melodiyang
lumalabas sa transistor. Madaling
unawain ang mga linyang, “Simpleng buhay ay kay
ganda... Mayroong ngiti...Mayroong saya...Walang hindi magagawa...Lalo na't
simple ka...Sama-sama magkaisa...Kahit maging sino ka pa...Lahat ay 'di ba't
kay dali...Ganyan ka lang sana.” Pero malalim ang kahulugan sa mga taong ninanamnam
ang liriko at bawat linya ng awitin.

Panibagong pakikipagsapalaran ang gagawin sa pag-alis sa tahanan. Bitbit ang tampipi, laman ang ilang pirasong damit at bayong na punung-puno ng gulay upang maipasalubong sa taong tutuluyan. Malaki ka na nga. Kaya mo nang makibaka, makisalamuha, makisama, at makipagtulungan sa kapwa para mabuhay sa lugar na hindi alam ang mangyayari sa kinabukasan.

Hawak sa kamay ang rosaryong hindi mabitiwan at taimtim na umuusal ng dasal habang patuloy na umiikot ang mga gulong nang sinasakyang bus na siyang maghahatid sa lugar na paroroonan.


Minamaliit kung saan nagtapos. Maling pananaw na naipamana ng mga dayuhang sumakop sa bansa. Matalino na ang mga tao ngayon. Pwede na itong baguhin. Mas tama sigurong tingnan ang aspektong nagsikap at nagtiyaga upang makamit ang diploma. Isang pirasong papel na siyang katibayan na nakumpleto na ang apat o higit pang mga taon ng pag-aaral.

Tandaan na ang tagumpay ay nakakamit lamang kung pinagsama-sama ang pagsisikap. pagpapakumbaba, pagtitiyaga, pagtitiwala sa Diyos at pagmamahal sa magulang. Kapag nawala ang isa man sa mga ito, asahan mong hindi mo makakamit ang pangarap na minimithi.


Lungkot, pasakit, luha, at pagkainip sa oras ng mga okasyong lumilipas na hindi kasama ang pinakamamahal na pamilya. Tibay ng dibdib at tinuruang maging manhid ang puso upang hindi maramdaman ang anumang sakit kapag nababalitaang nagkakasakit ang isa man sa minamahal. Tatag ng kalooban ang sandatang itinuro ng mga magulang upang mabuhay at maging isang responsableng tao.
Makatagpo
ng minamahal sa lugar na pinapasukan. Bumuo ng pamilya at magkaroon ng matatag
na trabaho upang mabuhay nang matiwasay, mapag-aral sa magagandang eskwelahan at mabigyan
ng magandang kinabukasan ang mga anak. Dito umiikot ang mundo na siyang itinuro
ng mga magulang sa bayang pinagmulan pero sa ibang bansa naninilbihan. Pilipino
ka pa rin naman kahit saan ka pumunta.
Alalahanin mo ang mga dating kaibigan, kamag-aral, katabi sa upuan, at kasabwat sa mga kalokohan noong nasa elementarya at sekundarya pa lamang. Alam mo ba kung nasaan sila ngayon At kung ano na ang buhay na mayroon sila sa kasalukuyan? Nakatapos ba sa kursong napili o naging matagumpay na negosyante sa kabila nang kakulangan sa edukasyon?
Maraming katanungan na nais bigyan ng kasagutan.


2. Nababatid kung sino ang naging matagumpay o nakaranas ng kabiguan
sa buhay.
3.Nailabas ang kakayahang hindi naipakita noong nagsisipag-aral pa lamang sa elementarya o sekundarya.
4. Makatulong o matulungan sa
paghahanap ng trabaho.
5. Malungkot sa balitang lumisan na ang ilan sa mga kamag-aral.
7.
Nalalaman kung sino ang hindi
nagsipag-asawa o nanatiling single sa buhay.
8.
Ito ang oras upang gabayan ang ibang
kamag-aral na hindi pinalad na makakuha ng magandang trabaho o hindi nakatapos
ng pag-aaral.
9. Tinatawanan na lamang ang mga kalokohang
nagawa noong panahon ng kanilang pag-aaral.
10. Minsan ay nagpapayabangan sa dami ng
naging syota o nobyo bago natagpuan ang kahati sa buhay.

Mahalaga ang bawat nakalipas
na sandali sa buhay ng mga nilalang dahil dito ka natuto at makibaka sa buhay.
Hindi masamang balikan ang nakaraan sapagkat ito ang nagturo upang tumatag sa
bawat dagok ng buhay. Simple lang naman ang mabuhay sa mundo na puno ng
pagmamahalan at pagtutulungan. Hindi naman nagpapabaya ang Diyos sa kanyang mga
nilalang. Handa Siyang sumubaybay at gumabay sa mga taong naliligaw ng landas.
Kaya
ano pa ang hinihintay mo? Balikan mo na ang dyip na punung-puno ng pasahero
pero panatag naman ang kalooban sa mga taong kasabay sa pagbibyahe. Kababayan mo
kasi. Iisa lang naman ang destinasyong pupuntahan, ang bayang sinilangan. Walang iba kundi ang Munting Bagyo ng Laguna upang makadalo sa
pagsasalong inihanda ng mga kamag-aral at balikan ang nakaraan ng isang tipikal
na kabataan.
Sanggunian:
http://flickeflu.com/groups/1372870@N23
https://www.facebook.com/photo.php?fbid=103817712993398&set=t.100000955106937&type=3&theater
https://www.facebook.com/photo.php?fbid=103817712993398&set=t.100000955106937&type=3&theater
NoR
*070712*